Saturday, August 13, 2011

Lingid sa Kaalaman

"Kalapastanganan sa Diyos.. Insulto sa Katoliko.. Pambabastos sa relihiyon.. Basura.."
-Ilan lang yan sa mga natanggap na batikos ng "Politeismo".


        Sa mga nakalipas na araw, madalas marinig nang karamihan ang salitang ito. Paano ba nama'y ito ang isa sa pangunahing tema ng mga balita sa telebisyon, radyo, peryodiko at sa iba't ibang social networking sites, kalakip ang pangalang Mideo Cruz. Si Cruz ay isa sa mga artist na kalahok sa exhibit na pinamagatang "Kulo" sa Cultural Center of the Philippines o CCP. Naging kontrobersyal ang naturang "artwork" nang makatanggap ito ng mga negatibong komento at pagbabatikos galing sa iba't ibang "religous group" at indibidwal. Nakapaloob sa mixed media collage ni Cruz ang ilang mga kalendaryo (na may seksing babae na nakapose), posters ng politiko (kabilang si Imelda Marcos at Barack Obama), artista na nag eendorso ng iba't ibang produkto tulad halimbawa ni Alma concepcion(para sa champions cigarettes), si Jaworski, mga hugis ni mickey mouse, alphabet, krus, rosario, "larawan" ni Maria, Jose at ilan pang mga santo, at ang pinaka naging maingay ay ang "imahe ng mukha" ni Hesus na may nakalagay na inukit sa kahoy na ari ng lalaki.
(hindi ko personal na nakita ang kontrobersyal na artwork, base lang sa picture ang pagsasa-larawan ko^_^)


     Totoo, hindi nakaka- "WOW!" ang gawa ni Cruz at hindi kaaya-aya ang dating nito. Isa lang itong simpleng collage kung tutuosin. Ngunit sa likod ng mga posters, imahe, at lahat ng nakapaloob sa "Politeismo", ang mensaheng nais niyang iparating.. nakarating nga kaya sa dapat nitong kahantungan?

Kung papipiliin ka, isang larawan ng mahalinang bulaklak/ magandang tanawin ng dagat na may lumulubog na araw sa pagitan ng bundok o ang Politeismo?
Siyempre, marami sa'tin ang pipili dun sa bulaklak o dagat. Relaxing na, positive pa ang dating. Magandang isabit sa pader ng bahay, pang display.
Pero alin ang mas nangungusap? Alin ang may kurot sa damdamin?
Ang katotohanan ay madalas nakakasakit, lalo na kung ayaw natin itong tanggapin.




Ang sining ay isang paraan ng pagpapahayag ng saloobin. Gayunpaman, kailangan nating tanggapin na hindi lahat ng tao ay aayunan o maiintindihan ang nais nating iparating. Kung sa pag gamit nga natin ng salita para makipag communicate eh hindi na tayo magkaintindihan at madalas nami-misinterpret pa tayo, ano pa kaya kung painting o di kaya'y collage ang ginagamit? eh di lalong nag ka gulo gulo ang buhay natin?!
Poli-teismo.
Ikubli man ng ating isipan, hinding hindi maitatanggi ng mga matang mapagmasid ang katotohanan..
Ikaw ang bumubuo ng mundo mo.. Ikaw ang pumipili ng gusto at ayaw mo.. At minsan, sa panahong hindi mo namamalayan, ikaw ang nagdidikta sa sarili mo kung sino ang sasambahin mo.

 IKAW?
SINO ba ang iyong diyos?
ANO ang pinahahalagahan at iniingatan mo?
SAAN mo nilalaan ang mahabang oras mo?
KAILAN pa ang huling pakikipag usap mo sa iyong diyos?

Anong mensahe ang nakarating sa'yo gamit ang likhang sining ni Mideo Cruz na Politeismo?

Muling buksan ang isipan.
Magmasid. Makinig panandali.

Tuesday, July 12, 2011

“So then do not be foolish, but understand what the will of the Lord is” (Ephesians 5:17)

Plans..Desires..Dreams..Wants..
Nang dahil sa mga bagay na ito, natututo tayong magsumikap, magtiyaga, magpakahirap, maghintay at kahit pa imposibleng bagay ay sinusubok natin. " no pain, no gain" ika nga nila. Ngunit bakit natin ito ginagawa??


Dahil may gusto tayong marating? gustong patunayan at gustong makamit?
Eh paano kung ang hangarin mo ay taliwas sa plano ng Diyos para sa iyo??
Ilang beses mo na bang nasambit ang mga katanungang "Ano ba talagang plano mo, Lord?"
o di kaya'y "anong dapat kong gawin,Lord?"




Dumating ka na ba sa punto ng buhay mo na halos hindi mo na alam kung ano ang gusto mo at sa gusto ng Diyos para sa iyo?


Para bang cake at ice cream. Parehong nakahain, pero isa lang ang dapat mong hangarin. Pareho mong gusto ngunit isa lang ang dapat mong kunin. Parehong masarap pero isa lang ang makapagpasatisfy sa'yo. hmmn.. Paano ko nga ba malalaman ang gusto ng Diyos para sa'kin?

PAANO MO NGA BA MALALAMAN?

Bakit may mga tao na magkatinginan lang eh, alam na nila ang ibig sabihin ng bawat isa?
Isang ngiti pa lang eh, alam na ang sagot sa itinatanong niya?
Isang lingon lang eh, alam na kung bad o good mood siya?
Sa aura pa lang eh, nalalaman na kung may problema siya o wala?


PAANO AT BAKIT?
Simple lang, dahil "CLOSE" sila.. malapit sa isa't isa. Ito yung mga tao na halos magkapalit na ang mukha dahil sila na lang palagi ang magkasama at magkausap. Sa dalas ng kwentuhan nila, lumalalim ang samahan. Sa lalim ng kanilang samahan, nakapagpapalagayan sila ng loob.. At dahil sa palagay na ang loob nila sa isa't isa, anu mang bagay na pagdaanan ng bawat isa ay nalalaman din ng bawat isa. Minsan nga'y nasubsob ka lang ay itetext mo pa o di kaya'y naka shout out pa sa FB. Maliit o malaking bagay man, ibinabahagi niyo sa isa't isa.


ISA'T-ISA
Dalawa o higit pang tao na nagiging isa dahil sa malalim ang pagkakilala, malawak ang ugnayan, madaming pinagsamahan at matindi ang pinagdaan na MAGKASAMA.

If one falls down, his friend can help him up. But pity the man who falls and has no one to help him up!-Ecclesiastes 4:10


*balikan natin ang katanungang---->"Paano ko nga ba malalaman kung anu nga ba ang gusto nang Diyos para sa'kin"? 


Ang sagot? Simple lang din. Dapat "CLOSE" kayo ni GOD. Malapit sa isa't isa. Yung tipong makikita na sa'yo ang mukha ng Diyos dahil lagi kayong magkausap at magkasama. Sa dalas ng kwentuhan niyo, lumalalim na ang samahan. Sa lalim ng inyong samahan, napapalagay na ang iyong loob anu man ang kaganapan sa buhay mo.. At dahil palagay na ang iyong loob sa Kanya, nasasabi mo anu man ang pinagdadaanan mo. Minsan nga'y masubsob ka lang ay ikekwento mo pa sa Kanya. Maliit o malaking bagay man, sinasabi mo 'to sa Kanya.


Naalala ko tuloy ang kwento ng isang Pastor sa church namin, ultimo pagbili daw ng sapatos niya ay ikinokonsulta pa niya ng ilang araw o linggo sa Diyos bago ito tuluyang bilhin. Nung bata pa ako, madalas kong mapansin ang pastor na ito.. Habang nakaupo, bumubulong-bulong. Habang nakatayo, bumubulong-bulong. 'Pag nag-iisa, aba, bumubulong-bulong pa din! Nagtaka ako.."ano kayang ginagawa nun?!". Yun pala, nakikipagkwentuhan siya sa Diyos. At hindi na ko nagtataka kung bakit hindi lang "may kaya" ang estado niya sa buhay ngayon kundi "kayang-kaya!". Sapagkat lumakad siyang kasama ang Diyos.




Ngayon, kung hindi mo pa rin mawari kung cake nga ba o ice cream ang para sa'yo.. Maghintay ka lang. Malamang ay kasalukuyang inihahanda ng Diyos ang specialty Niya para sa'yo. 

Ang kailangan lang gawin ay maghintay :))

Monday, May 16, 2011

It's all about PERSPECTIVE

Perspective- Sa mga designer lalo na ng isang structure, ito ang isa sa pinaka-aabangang drawing sa presentation ng isang project. Iba't ibang anggulo, may bird's-eye-view, worm's-eye-view, man's-eye-view, 1-point, 2-point, aerial o linear, interior o exterior perspective at kung anu-ano pang view ang pwede mong ipakita.. Pero siyempre, pipiliin natin yun pinakamagandang SPOT ng bahay o structure para naman tumaas ang grade natin o di kaya'y lalong maengganyo ang mga kliyente, hindi ba?


Madalas nagrereklamo tayo sa mga bagay na meron tayo, hindi na nga nagpasalamat sa nagbigay, siniraan pa, nireklamuhan pa..

Kung gusto mong maipakita ang pinakamagandang "spot" ng buhay mo: Learn to appreciate.
Kung tambak ang homework sa school at di ka na magkanda-ugaga, magpasalamat ka.. Dahil nakakapag-aral ka.
Kung inutusan ka ng nanay mong maghugas ng pinggan, magpasalamat ka.. ibig sabihin ay may kinain at kakainin pa kayo. HINDI LAHAT NAKAKAKAIN NG SAPAT.
'Pag binigyan ka ng curfew ng magulang mo, wag ka magalit.. ibig sabihin lang ay may nag-aalala sa'yo.
Kung wala nang magkasya sa'yong damit dahil sa katabaan mo, magpasalamat ka.. Dahil hindi lang sapat kundi sobra pa ang iyong kinakain. PERSPECTIVE.
Pag hindi ka makatulog dahil sa kaiiyak ng inyong anak na sanggol, magpasalamat ka.. dahil binigyan ka ng Diyos ng isang anak. HINDI LAHAT BINIBIYAYAAN NG ANAK.
Kung sinagot sagot ka ng iyong anak matapos mong pag sabihan, magpasalamat ka pa rin! Sapagkat gumagana pa rin ang iyong pandinig. PERSPECTIVE..
Kung pumuputi na ang iyong mga buhok, magpasalamat ka.. dahil may buhok ka. LEARN TO APPRECIATE.
Kung nangungulubot na ang iyong mukha, magpasalamat ka.. Dahil hindi yan malalang sakit.
Pag napuwing ang mga mata mo, magpasalamat ka.. dahil alam mong may hangin pa sa paligid.
Kung napapagod na ang iyong paa sa kalalakad, magpasalamat ka.. dahil nalalaman mong mayroon kang mga paa.
Kung puro problema nalang ang inaabot mo, magpasalamat ka.. dahil tiyak na nabubuhay kapa.

Ganun din pala sa praktikal na buhay ng tao, pwede naman pala nating piliin ang pinakamagandang "spot" ng buhay natin..
It's all about perspective.. :)

Tuesday, March 1, 2011

Committed then Kumitid!

C-H-R-I-S-T-I-A-N!
-The term "Christian" is used adjectivally to describe anything associated with Christianity, or in a proverbial sense "all that is noble, and good, and Christ-like." (wikipedia)
*Christ-like
*follower of Christ
C-H-R-I-S-T!


Iba't iba ang ugali ng tao, Iba't iba, depende sa kinalakihan nila, depende sa emosyonal, espiritwal, pinansyal, mental at sa lahat ng aspeto ng buhay. May kanya-kanya rin tayong paniniwala. Kaya naman, iba't iba rin ang pag-uugali natin hindi ba?

Sa dalawampu't isang taon ko sa mundo, marami na akong nakilalang mga tao. At syempre, may kani-kaniyang ATTITUDE ika nga, ang bawat isa.

Habang lumalaki ako, batid ko ang kaibahan sa pagitan ng Christians o mga mananampalataya at ng Non-C, o yun mga hindi pa nakakikilala sa Panginoong Jesus.
Habang nagkakaisip naman ako, unti-unti kong nalalaman ang pagkaka-iba ng mga indibidwal na nabubuhay sa magkaiba ding mundo..


Ang binabago, ang pagbabago at ang binago.


Ang binabago.
Mayroon ba sa atin na pagkalabas pa lamang sa sinapupunan ng kanyang ina ay "Christian" na?
Naaalala mo pa ba ang mga unang taon mo sa mundong ito?? Eh ang unang salitang binigkas mo?
Hmmn..lahat tayo ay nagumpisa sa wala. Walang muwang. Walang talino. Walang lakas. Lahat ng dunong natin ngayon ay pinagsalin-saling kaalaman na lamang. Tinuro ni nanay, ni tatay, ni lolo't lola, nang ating mga guro at nang kung sinu-sino pa.


Ang pagbabago.
Masayang mamuhay na kasama si Cristo. Nakakilala ako sa Panginoon ng dahil sa mga tao sa paligid ko. Ibinahagi sa akin ng Nanay, Tatay at sunday school teachers ang patungkol sa buhay na walang hanggan. Patuloy na lumalago sa pananampalataya sa pamamagitan ng worship service, fellowship group, mga ka-B.S. sa school, mga babasahin at ng Bibliya sa tulong ng Diyos.
Hindi ko ito nadiskubre. Una kong nalaman ang patungkol sa mga bagay na ito dahil minsang IBINAHAGI ito sa akin.

Ang binago.
 Ang buhay na binago ni Cristo ay masaya at kapanapanabik. May kapayapaan sa gitna ng unos. May kapanatagan sa gitna ng kaguluhan. May buhay na pag-asa sa gitna ng nanlulumong mundo. May pag-ibig sa kaaway. oh ha? napaka-CHALLENGING hindi ba?

Ang "buhay-Cristiyano" ay hindi lang basta mahirap. Higit pa sa napakahirap. At hindi rin ito pinakamahirap.
Ito ay isang imposibleng bagay KUNG wala ang Banal na Espirito sa'yo. .
Para bang isang puno sa gitna ng disyerto. Walang mapagkunan ng sustansya't naghihintay lamang sa ulan. Inasahang mamunga sa kabila ng nanunutuyot na sarili. Sandigan at silungan ng iba habang nagpapakatatag sa gitna ng init at buhangin.


Sa ating paglago, mas naiinvolve tayo sa iba't ibang gawain sa simbahan. Seminar dito, seminar doon.
Samu't saring activities ang pinagkakaabalahan. Maya't maya ang meeting at fellowship. Iba't ibang grupo ang binubuo. B.S. kahapon, bs mamaya, bs bukas. 
..Nagiging COMMITTED tayo sa mga gawain. walang masama dito lalo na kung tayo nama'y lumalago. namumunga. Lumalawak ang kamalayan at pagkaalam.


Ang Kapahamakan ng Dunong at Kaalaman.
Antas ng pagkaunawa, lalim, pinag-aralan, pinagdaanan, karunungan, kaalaman.
Kung ang isang tao'y maraming nalalaman at malalim ang pagkakaunawa sa isang bagay, asahan mong hindi siya magpapatalo kung mayroon kayong hindi mapagkasunduan. Ang mga taong may mataas na pinag-aralan, malayo na ang narating o di kaya'y matagal na sa isang larangan ay hindi basta basta sumasang-ayon sa mga taong mas mababa sa kanila.
Ito ay isang bangin sa mga Cristiyano at marami na ang nahuhulog dito.
Karamihan sa mga "COMMITTED Christians" ang nagtataboy sa mga hindi pa mananampalataya. Sa dami nang kanilang na-"achieve", lumalakas ang tiwala sa sarili. Sa dami nang napuntahang seminar, nawawala ang duda ng pagkakamali. Hindi na ginagamit ang pandinig at palaging sila na lamang ang tama.
COMMITTED lang noon na nagiging MAKITID.

Minsan naisip ko, mas masarap pang kakwentuhan ang di-mananampalataya kesa naman sa mananampalatayang makitid at "self-righteous". Siya lang ang tama at hindi marunong makinig.
Nagiging "all-knowing" na..
Mahirap makahikayat at mag-witness ang mga ganitong klase ng tao. Itinataboy nila papalayo ang mga tao. Nabubuhay na lamang sa "number-colon-number". Teknikal kung makipag-usap. Palaging may alam. Palaging mas magaling. Mas banal at mahilig pansinin ang pagkakamali ng iba.
Nakakalungkot lang na sa init ng masigasig nating paglilingkod ay iba ang naluluto.
Isang perpektong halimbawa nga ang ginawa mismo ng ating Panginoong Jesus. Nagkatawang tao Siya at nagpakababa upang maisalaysay sa ating mga tao ang Kanyang nais ibahagi-pagibig.
Kung ang hangarin natin ay makapagbahagi ng salita ng Diyos, hindi natin kailangang maging magaling at maging matalino. Hindi requirement ang mga certificate sa mga seminar,forum at bible school.

HINDI ko sinasabing mali ang pag-attend sa mga seminar. HINDI ko sinasabi na huwag na tayong magpunta sa mga gawain. At lalong HINDI ko sinasabi na huwag masyadong masigasig sa paglilingkod.
Nawawala lang ang tunay na layunin ng pagpapakapagod natin. Ang masyadong tiwala sa sarili, nakasisira ng mithiin. Sayang ang effort. Bale wala.


 Tulad muli ng puno.
Ang punong mababa at abot pa ng karamihan ay napakikinabangan ang lilim at ang bunga nito SUBALIT wala kang masisilungan sa punong napakataas at ang mga bunga nito'y nahuhulog na lamang sa kabulukan pagkat walang sinuman ang maka-aabot nito.              
                                  -C.E.Perez





Tuesday, February 8, 2011

36 years of God's Faithfulness!

Your mercy and loving-kindness, O Lord, extend to the skies, and Your faithfulness to the clouds.    -Psalm 36: 5

"Ang ganda ng church (building) n'yo. Ang laki!" , "Masigla ang awitan kahit hymns..", "close kayo dito 'nu?"
Yan ang madalas kong marinig sa mga guest speaker at mga bumibisita sa church. Hindi ba't nakaka-taba ng puso, lalo na kung alam mong kabahagi ka ng kongregasyong hinahangaan at sabihin na nating kina-iingitan ng iba.. Kaya naman isang kasiyahan sa akin ang maglingkod sa Panginoon sa simbahang ito. Dito na ako lumaki at masasabi kong,-DIYOS AY TAPAT.


36 years is certainly more than enough reason para magdiwang! Isama mo pa ang worship hall (na may pintura na ngayun, praise God!), ang fellowship hall na de-aircon (ehem!), ang conference room, ang office, ang pantry, ang carport na nagiging basketball court, ang kainan sa punong mangga, ang parsonage, ang c.r., ang L300, ang piyerang blue, ang mga pastor, ang mga manggagawa, ang choir, at ang mga kapatiran..sinong makapagsasabi na nag-umpisa lang ang lahat sa isang maliit na garahe? hmm,Lord,-TUNAY KANG MATAPAT.


Though our church is comprised of wonderful, caring and loving people, aminin natin na we are flawed people who lack full commitment and faithfulness. Marami na ang umalis, ang iba ay bumalik, marami na ang nagbalak umalis, marami ng nakasakit. mas marami ang nasaktan. "Tayo tayo nag-aaway away." Kung wala ang ating Diyos, hindi tatagal ng 36 years ang PBCC, baka nga wala pang isang linggo tapos na tayo eh. (epic fail!) Thanks be to GOD for He is the one who remained present in the midst of our church for all these years.
isipin nyo ang simpleng bagay: Lagi tayong LATE sa worship service pero ang pagpapala ng Diyos sa'tin laging "ON TIME".
unfair di ba?:) ang tawag diyan -DAKILANG KATAPATAN!


Huwag nating kalimutan ang "SINO" at "BAKIT" ng ating selebrasyon. h'wag lang sana ang kantahan, pagkain at palaro ang maalala natin sa pagpunta natin sa PBCC. Gamitin natin ang opportunity na sumamba, magpasalamat at magpuri sa Diyos na Maylikha. Mayaman sa pagpapala at alaala ang PBCC. Masarap ding balikan at minsan pang gunitain ang mga di malilimutang pangyayari sa loob ng 36 years. Ngunit naniniwala ako na wala pa 'to sa "climax". The best years are yet ahead of us! May we look to the wonderful foundation that has been laid during our 36 years and build on that foundation in the years to come. Hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus!
HAPPY 36th ANNIVERSARY Pasig Bible Christian Church!!!


*He's Been Faithful,
Faithful To Me.
Looking Back He's Love And Mercy I See;
Though In My Heart I Have Questioned,
Even Failed To Believe..
Yet He's Been Faithful, Faithful To Me*



Simbarangayan 2010!
(ang mga larawan ay galing kina mich caceres,merla elpa, sarah que, hanna que at sheree capistrano)

Preaching Seminar W/ Pastor Sam Castro


Senior Citizen- Christmas presentation
Survivor!

 
Hulo Bible Christian Church 
Deborah Singers & Sharon Vicente Hernandez

  
Elder Oscar Manansala, Bishop Leo Alconga & Elder Robert Que Sr.
                                                                          
 
Sta. Cruz Bible Christian Church
 
Harvest :)


Pasig Bible Christian Church Choir
(ang mga larawan ay galing kina mich caceres,merla elpa, sarah que, hanna que at sheree capistrano)




Lord, thank you for Your faithfulness to our church!

Friday, February 4, 2011

Sa mundong mali ay nagiging tama,
Sadyang nililinlang ang 'yong mata;
kapahamaka'y nagiging maganda,
at kasalana'y hindi na halata.

Sa mundong maingay ang katahimikan,
Litong isip ay nagugulumihanan;
Ang kapahingaha'y walang tahanan,
Tainga ay bingi sa katotohanan.

Sa mundong kapayapaan ang kaba,
Bakas ng kahapon ay ala-ala;
Daratning bukas ang laging pantaha,
Ang ang isipan ay pagala-gala.

Sa mundong ito, marami ang nalilinlang. kaakit-akit ang mali at tila mahirap gawin ang tama.
maraming sumisigaw ngunit mas malakas ang bulong,
maraming sumasayaw sa tugtuging malungkot.
marami ang napapakanta sa pananahimik,
maraming tumataksil sa tapat,
maraming nanloloko sa katotohanan.

kawawang mundo.
kawawang tao.
nalinlang ng sarili n'yang anyo.
nalinlang ng sarili n'yang plano.
impormasyon ay kapangyarihan..
kapangyarihan ng mga taong duwag at di marunong lumaban.
kapangyarihan ng mga taong sakim at sugapa.
kapangyarihan ng mga taong takot sa katotohanan.
kapangyarihan ng mga taong wala nang pag-asa't desperado.
kapangyarihan ng mga taong nangangarap ng gising.
impormasyon ay kapangyarihan na dapat pag-ingatan..dahil baka sa huli, yan rin ang wawasak sa'yo.