Monday, January 31, 2011

untitled

Ika’y palaging nasa aking tabi,
Ikaw ang yumayakap sa panahon ng pighati;
Sa bawat luhang naglalakbay sa aking pisngi,
Ikaw ang pumapawi’t nagpapalit ng ngiti.

Sa landas ng lakbayin, Ika’y aking kasama,
Hindi nagsasawang magbigay ng pagasa;
Sa gitna ng kaguluhan, Ikaw pa ri’y payapa,
Lumisan man sila, ako pa rin ay Masaya.

“OBRA”

Sa mundong ito, lahat ng bagay may dahilan. Mayroong rason kung bakit nangyayari ang ilang kaganapan kahit pa hindi natin mawari kung minsan. May’ dahilan kung bakit iisa ang bibig samantalang dalawa ang pandinig. Kung bakit may dalawang paa ngunit hindi sabay ang paghakbang, kung bakit may dalawang mata ngunit ang iba’y duling, banlag, kirat, o malabo habang mayroon din namang malilinaw. Kung bakit nga ba may’ maliit at may malaki? Mahaba’t maiksi? Mataba at payat. Naitanong mo na ba kung bakit may kuko ang bawat daliri natin?? At palaging may kilay sa ibabaw ng mata? Natanong mo na ba kung para saan ang kurbang daan sa iyong tainga? Bakit ang batok walang buhok? Bakit pa ba kailangang tumubo ng mga tigyawat? Bakit ang buhok ay humahaba? Bakit nagugutom pa ang tao?? Bakit ba kailangang kumain ngunit kalauna’y kailangan namang magbawas? Bakit pag masakit ang ulo hindi na rin makalakad si paa? Pag nasaktan si puso hindi na rin makakain si bibig at hindi makapagisip si utak?
Sa daming ng “walang halaga” kong katanungan, hindi ka ba namangha o nagtaka man lang? mayroon kang mga bagay na nagagawa ngunit hindi kaya ng iba. Hindi mo ba naisip na isa kang obra maestra? Minsan kang pinagisipan, pinaghirapan, at dinisenyong maging kaiba sa lahat. Ginawa kang walang kapintasan. Hindi ka isang pagkakamali. Ano man ang itsura mo, abilidad, karakter o kapansanan sa iyong pananaw, isa kang  perpektong nilalang. Maganda! Kahanga-hanga! Kakaiba! Walang katulad!
Huwag panghihinaan sa kutya ng iba, dahil ikaw ang pinakamagandang  nilikha para sa iyong Manlilikha! :)

“PANAHO’T LAYON”



‘Wag pilitin ang bagay na wala pa sa panahon;
Lahat ng ito’y maaaring gawin ng mahinahon,
‘Wag pilitin ang mga bagay na ‘di naaayon,
Hayaang mahulog ng kusa sa puno ang mga dahon.

Ang sugat ay may sariling oras ng paghilom;
Kaya panandaliang ang bibig ay itikom,
Bago pa manumbat at ika’y maging hukom,
magtiis at makiayon sa layunin ng karayom.

masakit kung iisipin
ika’y alipin ng damdamin,
sunod sunuran sa hangin
ngunit di makuhang tanggapin.

Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may’ nakahandang tugon,
Asahan ang pagbabagong katulad din ng mga alon,
mawawari mo lamang sa paglipas ng taon,
ang mga bagay bagay, malilimot sa paglaon.

‘Wag mong isiping ang pag ibig ay yumaon,
tahanan ng pagasa ang nalalabing pabaon,
iyong isipan, pansamantalang sa iba ituon,
‘pagkat pantaha ng tao’y,kaiba sa KANYANG layon.

sabayang pagbigkas 2009

Inggit, galit, poot, sakit, kabiguan, kalayawan, kamangmangan, kasinungalingan, kapahamakan? .. kasalanan!
Ito ang sanlibutan, mundong puno ng kaguluhan, nananaha’y kasalanan at ang tungo’y kamatayan..

Tila tupang ligaw ang mga taong mangmang,
sa katotohana’y uhaw, sa kapangyarihan ay hibang.
Kamatayan ang ipapataw sa lahat ng nalinlang,
Pag-ibig ba’y mangingibabaw kung kasalanan ay hadlang??

Ngunit gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos,
hamak na mangmang ay inibig Niyang lubos,
Bugtong na Anak ang Kanyang pinangtubos,
mula sa kasalanang kalunos-lunos.

“‘wag kang matakot,” anghel ay nagwika,
“Sumasaiyo ang sa Diyos na Biyaya,
ika’y magsisilang ng sanggol na dakila,
tatawaging Immanuel,” Diyos ay ating kasama.
“narito ako, sa Diyos naglilingkod,
sa Iyong kalooba’y, buong pusong susunod..”

at isinilang ang Mesias sa bayan ni David
munting sanggol sa sabsabang kaligtasan ang hatid.
Habang nagbabantay ang mga pastol sa parang,
isang anghel ang nagpakita sa kanilang harapan,

sila ay natakot ng gayon na lamang,
ngunit mabuting balita’y kanilang nalaman.
At biglang lumitaw hukbo ng kalangitan,
libo libong anghel sa langit ay nag-awitan:
♪♫“Papuri sa Diyos, sa kaitaas-taasan;
at sa lupa’y mayroong kapayapaan sa mga kinalulugdan,
purihin Siya!!!”

Naging tao ang salita at sa atin ay nanahan,
mundo’y nakasumpong ng kapayapaan.
Sa Kanyang himala Siya’y dinadakila,
si Jesus nga ang Cristo na kahangahanga..
Subalit kay lupit ng sanlibutan,
Siya ay kinutya at nilapastangan,
pinagkanulo, kinatwa, at Siya’y hinatulan,
pati Kanyang kasuota’y pinaghati-hatian.

Sa dako ng bungo
doon Siya ipinako,
“Hari ng mga judio”
sa krus ng kalbaryo..

“Ama, patawarin mo sila,
hindi nila alam ang kanilang ginagawa,”
dug.. dug.. dug.. dug..
…”Naganap na. . “

Sa mga umiibig bumalot ay kalungkutan,
Habang sanlibuta’y nagdiwang sa kagalakan.

ISA..”Nasaan si Jesus??”
DALAWA..”Bakit niyo hinahanap ang buhay sa mga patay??”
TATLO..”Si Jesus ay nabuhay!!!!!!!!!”
♪♫”Buhay, Buhay si Cristo’y nabubuhay!
kasama ko at kaakbay sa makipot na daan,
buhay! buhay! dala’y kaligtasan.. tanong mo’y bakit ko alam?
sa puso ko’y buhay..”

Ito ang Dakilang Biyaya ng Diyos,
ang aking kasalana’y pinawi Niyang lubos,
ang Kanyang Pag-ibig ang sa aki’y tumubos,
ang pasko’y tungkol sa aking Manunubos.^^



candidness

Ang musika’y isang paraan ng papuri,
Iba’t ibang klase at istilo nito’y marami;
Mayroong mabilis, katamtaman at mabagal,
Ngunit ang tanging layunin ay sambahin ang Maykapal.
‘Wag kang makipagdebate sa akin sa kung anu ang tama,
Wala yan sa banda at kung ga’no kahaba;
Nasa tao yan at wala sa instrumento.
Nasa puso yan kahit wala ka pa sa tiyempo.

route

Ang pagsulat ang aking hininga;
at parang hangin ang aking mga letra,
Pangsulat na lapis, maya't maya ang pagronda;
at ang musika'y pangkulay na parang krayola!


Ang letra't musika, pag sila'y nagsama,
Ginto ang katumbas ng awiting maganda;
Halina at tayo'y sama-samang kumanta,
Sa indak ng tugtuging aking kinapa!